21 January 2012

Isang Halimbawa ng Sanaysay Tungkol sa Isang Hayop Para sa Mag-aaral sa Mababang Baitang

An Example of an Essay about an Animal for Elementary Level Students

Ang Kaibigan kong si Tom

Si Tom na yata ang pinakatamad at pinaka basagulero na nilalang na nakilala ko sa balat ng lupa. Kilala siya halos ng lahat ng kapitbahay sa aming lugar. Magandang lalaki si Tom kaya lang siya sy suplado ay mahiyain at kapag binabati siya ng mga kababaihan na natutuwa sa kanya, siya ay kagyat na umaalis at nagtatago.

Si Tom ay lumaki sa layaw at walang alam na gawain. Dahil sa siya ay makisig, maraming tao ang natutuwa sa kanya at siya ay nagsisilbing palamuti at taga hatid ng aliw sa tahanan. Pagsapit ng gabi matapos kumain ay bigla na lamang nawawala si Tom. Siguradong nandoon na naman sa kanto kasama ang barkada at maya-maya pa ay may maririnig na nagbabangayan at iyon, napaaway na naman si Tom.

Umaga na kung umuwi ng bahay si Tom. Kinabukasan, mataas na ang araw ay tulog pa rin si Tom. Kapag siya ay nagising, hindi kaagad siya bumabangon at nag-iinat muna siya sa loob ng halos ay isang oras. Tatayo lamang siya kung kailangan niyang lumabas upang sagutin ang tawag ng kalikasan. Pagkatapos nito ay  hihilata na naman sa kanyang tulugan si Tom.

Pagkatayo ni Tom ay diretso na siya sa kusina upang hintayin ang kanyang pagkain. Siya ay uupo at magmamasid sa pagluluto hanggang sa siya ay saglit na makatulog at magigising na lamang kapag narinig niya na handa na ang kanyang pagkain. Kapag naantala ang kanyang tanghalian ay sobra ang ingay ni Tom at panay ang reklamo na hindi siya pinakakain.

Dahil sa kabusugan ay aantukin si Tom at ito ay matutulog na naman sa kanyang higaan. Pagkagising, siya at uupo sa malapit sa bintana upang panoorin ang mga taong nagdadaan. Natutuwa si Tom na panoorin ang iba-ibang klase ng tao na nagdadaan sa aming lansangan. Pinapanood niya ang mga taong naglalako ng iba't-ibang pangangailangan gaya ng pagkain at nagkukumpuni ng payong at sapatos.

Kung panahon ng tag-init, kadalasan ay maalinsangan sa loob ng bahay kaya si Tom ay aakyat sa malaking puno sa tabi ng bahay at doon matutulog. Bababa na lamang siya pag kagat ng dilim upang hintayin ang kanyang hapunan. Habang naghihintay ay panay ang reklamo ni Tom dahil siya ay gutom na. Matatahimik na lamang siya kapag binigyan na siya ng pagkain.

Naikwento ko po ang tungkol sa aking kaibigan na si Tom upang ipakita ang mga ugaling hindi dapat pamarisan ninoman lalo na ng kabataan. Sa akin pong palagay ay hindi magiging maganda ang kinabukasan ng isang tao kung tutularan ang estilo ng buhay na ipinapamalas ni Tom. Sana po ay nagustuhan ninyo ang aking sanaysay tungkol sa aking alagang pusa na si Tom.

Read my other article on a free sample theme write-up and poem in English at: http://hinagapnikaure.blogspot.com/2009/12/free-sample-theme-write-up-and-poem-in.html.

Basahin ang iba ko pang artikulo tungkol sa isang libreng halimbawa ng pang-temang sulatin at tula sa Pilipino sa: http://hinagapnikaure.blogspot.com/2009/12/isang-libreng-hamlimbawa-ng-pang-temang.html.

Basahin ang isa ko pang artikulo tungkol sa kung paano sumulat ng sanaysay ukol sa isang tao, hayop o bagay sa: http://hinagapnikaure.blogspot.com/2010/02/paano-sumulat-ng-sanaysay-ukol-sa-isang.html.